Ang Nawawala

This was a bad attempt at writing a story – I can't story tell for shit – written in 2015.

"Klai, kung nasan ka man dahil tiyak wala ka sa bahay ng lola mo, salamat. Huwag ka sanang magpaparamdam ng feelings mo ng biglaan. Na-unfollow na kita sa internet, nag delete na ako ng mga account kong hindi ko kailalakas sa dota at na-delete ko na ang number mo pero sana madelete na rin kita sa heart ko....putanginang litanya yan! Hahahaha!", sabay pinatugtog ang Tanging Yaman habang kumakain ng lugaw nang umiiyak. "Tangina ang init hahaha!" Ang sarap mo kalimutan.

"Manawagan kaya ako sa teleradyo? O sa tv patrol?", benta tong joke na naisip ko. Siguro pati ang diyos ay natawa sa sinabi ko. "Alam mo JC, di mo mahahanap ang taong ayaw magpahanap", sabay sumipsip sa mainit niyang kape, "Mas lalong mahirap humanap pag nasa Maynila ka; Para ka lang naghahanap ng karayom sa malawak na bukid. At isa pa, ano mo ba ulit yun? Girlfriend ba?" Wala. Walang kami. Hindi kami. Hindi naging kami. Walang naging kami. "Hindi ho, kaibigan lang ho", sabay pilit kong ngiti na sinuklian naman niya ng mahinang tawa. "Osha, larga na ko para maka boundary" Walang kami. Hindi kami. Hindi naging kami. Walang naging kami. At kahit kailan ay hindi magiging kami. Kung nasaan man siya hindi ko alam. Ang tanging alam ko lang ay isang araw pag gising ko wala na siya sa tabi ko. 

Walang kami. Hindi kami. Hindi naging kami. Walang naging kami. Kahit ilang beses ko pa hingin ang kamay niya ay hindi parin siya magbibigay ng matamis na oo para maging kami. Kahit ibigay ko pa ang puso ko ng literal ay hindi niya iyon tatanggapin bagkus ay tititigan lang niya ito at bibigyan ako ng napaka tamis niyang ngiti. Kung tatanungin mo siya kung anong gusto niya sa buhay ay wala siyang isasagot sayo kundi ang yayain ka lang kumain sa turo-turo. Batuhan mo siya ng isang libong tanong at bibigyan ka niya ng storyang mala nobelang hindi konektado sa tinanong mong nauna. Pwera lang sa nag-iisang tanong na sinagot niya. Dahil mas madaling umalis.

Sa totoo lang ay naisip ko nang magpakamatay pero sa paraang hindi kadiri. Ang matalik na kaibigan ng nanay ko ay nagpatiwakal sa makalat at kadireng paraan. At ang highlight sa pagpapakamatay ay ang suicide letter kung saan ay pwedeng sisihin sa mga taon sa paligid dahil (1) wala na silang magagawa at (2) ito ang nagbibigay kulay sa storya also known as plot twist. Ito true to life, walang halong biro, tumalon siya sa isang gusaling tinitirhan niya sa may Pasong Tamo (maraming Pasong Tamo sa Maynila) nagkalat ang mga lamang loob niya na tiyak ay naging sahog sa lugaw ng mga karenderiya. Konting asin at toyo ay solb na. Nang ikwento sakin ng nanay ko yun ay hindi ko na naisipang isama sa listahan ko iyon. Ang isa ko namang kaibigan ay walan balak magpakamatay, gusto lang niyang mamanhid, kaya uminom siya ng 20 na ibat-ibang gamot na di kinakailangan ng reseta at sabong panlaba. Nakakain na ako ng bula shampoo noong bata ako at okay naman ang lasa nito. Baka ang paraan ng kaklase ko ay magamit ko pa. Ang sinasabing pinaka mabisang tip daw ay isabit ang ulo kung saan pwedeng may pagsabitan. Anak siguro ako ng kamalasan at napigtal ang tali sa leeg ko. Di ko na inulit. Magpapapayat muna ako. Balak kong gawin ang classic na silver cleaner pero saka ko na iisipin mag lista at gumawa ng epektibong tips sa pagpapatiwakal. Sayang naman ang buhay ko kung tatapusin ko lang dahil hindi na ako mahal ng mahal ko nagmukha lang akong tanga sa ataul ko. At isa pa, hindi parin nag e-evolve ang font ko — sulat paa parin ako. Grade 1 is forever.

Sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako naging excited sa pag mulat ng mga mata ko. Hindi ito ang pangkaraniwang araw kung saan papasok at uuwi ako. "Good morning!", kinapa ko ang tabi ko; umaasang maabot ng mga kamay ko ang mga kamay niya. "Klai?", umaasang pag mulat ng mga mata ko'y makikita ko siyang mahimbing parin sa tulog. Wala. Wala siya sa tabi ko. 

Nung unang punta ko rito sa Maynila ay wala talaga akong ka ide-ideya kung anong gagawin. Napaka iba ng takbo ng buhay dito doon sa amin. Sa amin tahimik, dito napaka ingay. Ang mga kapit bahay sa amin ay nagkakapwa tao pero dito ay halos umiyak na ang lahat ng mga guardian angel sa lakas ng pagmumura ng magkakapit bahay. Sa amin masusubaybayan mo ang takbo ng araw mo pero dito hindi, ibang-iba, lahat ng bagay dito sa Maynila ay mabilis o di naman kaya minsa'y kulang pa ang araw at gabing pinagsama para lang may matapos. Sa totoo lang, hindi ko namna talaga gusto dito tumira. Wala talaga sa plano ko. Kung hindi lang dahil sakanya ay marahil andun parin ako sa Cabanatuan. 

Walang kami. Hindi kami. Hindi naging kami. Walang naging kami. At kahit gusto ko pang isumbat kung bakit siya umalis ng walang pasabi ay hindi ko magagawa yun. Dahil una sa lahat wala akong karapatan. At isa pa, nasabi ko na bang walang kami? Naalala ko pa yung gabi bago siya umalis.

May nangyari

May nangyari

May nangyari

May nangyari

May nangyari sa amin.

Ginawa namin. Alam niyo na yun. Pero isa sa pinaka masayang pangyayari ng buhay ko iyon hindi dahil tinanggal ko ang panty niya pero dahil binukas niya ang sarili niya sa akin nang walang pag-aalinlangan. Masaya ako dahil naiparamdam ko sakanyang mahal ko siya sa iba pang paraan. Naging isa kami sa katiting na gabi. Yun ang una at huling gabing nakatabi ko ang babaeng mahal ko sa pagtulog. Ayoko pa ngang matulog para panuorin siyang matulog. Kinulong ko siya sa yakap ko at hinalikan ang noo niya. Nakaka excite gumising kaharap ang taong mahal mo. Pag gising ko may nangyari ulit.

May nangyari

May nangyari

May nangyari

May nangyari

Wala na siya sa tabi ko. Bakit? Dahil mas madaling umalis. Bakit ko ba naalala ang mga ito?

"Hello? Ah eh, magandang hapon po anjan po pa si Klai?" Tatlong araw na ang nakalipas at hindi ko parin siya nagpaparamdam sa akin. May nagawa ba akong mali? May nasabing hindi nanaman maganda dahil hindi ko nananamn ginamit ang utak at dila ko ng maayos? O naburyo na sa akin ng tuluyan? Ayokong mag-isip ng kung ano-ano pa at lalo lang akong malulungkot. "Nako JC anak, kaaalis lang ni bunso. Di ba kayo nagkasalisi?", umalis? "Ay hindi ho eh. Uhm san ho siya pumunta?" 
"Sa lola niya lang yun. Osige sabihin ko nalang na pumarine ka ha?" 
"Sige ho, salamat" Umasa akong hanggang hapon o 6 ng gabi ang uwi niya kaya ang ginawa ko ay basketball, balik sa bahay nila, dota, basketball, balik sa bahay nila, umuwi muna samin para maligo at matulog ng 5 minuto, at saka bumalik sakanila para hintayin ang pag-uwi niya. Lumipas na ang ilang oras na paghihintay ko na naging 300 na taon hanggang sa umabot sa sampung libong siglo. Pagkatapos nun ay hindi ko na siya nabalitaan. Dalawang taon na siyang hindi umuuwi sa Cabanatuan.

Nadagdagan nanaman ang kayamanan ko dito sa lupa! Nakapulot ako ng isang piso habang naglalakad papunta sa karenderiya ni aling amor. Hindi na basta-basta makakapulot lang ng piso sa panahon ngayon dahil ang piso ang bumubuo at nagbibigay buhay para sa pamasahe pang-uwi at isa pa, kahit ilang kilometro pa ang lakarin mo ay bihirang makahanap ka ng ligaw na piso dahil kadalasang itinatapon lang ng mga pekeng badjao na namamalimos sa mga jeep ay bentesingko sentimo. Hindi ko maintindihan kung bakit ang dami nilang hinahanap kung pwede naman silang makuntento sa mga iniaabot na abuloy sakanila. Kung iisipin, pwede naman nilang ipunin ang bentesingko sentimos para makabuo ng piso at pag naglaon ay magiging bente pesos barya-barya version nga lang pero at least bente na yun. Ewan ko sakanila, di ko maintindihan ang takbo ng utak nila. Ng mga tao pangkalahataan sa totoo lang. Ibinigay mo na ayaw parin kesyo hindi yun ang nais at plano nila. Labo. Parang si Klai. 

"So ayun, Ako yung inaway nung kabit ng tatay ko kaya ganto na", sa ilalim ng puno ng mangga kung saan inukit ko ang pangalan naming dalawa. Hindi niya alam iyon, shhh. "Klai?", pucha san ko kukunin ang lakas ng loob para mag tanong? Nilingon naman niya ako ng naka ngiti kaya okay sa alright. "Bakit ayaw mo ng commitment?", tinitigan niya ako ng mga dalawang minuto siguro pero pakiramdam ko eh limang oras na niya akong tinititigan kasama na dun ang pagtitig niya sa kaluluwa at internal organs ko. Nakakatakot dahil pakiramdam ko ay mali ang timing ng pagtatanong ko. Totoo naman eh, bakit nga ba ayaw niya? Kaya ko naman pantayan ang expectations niya sa abot ng aking makakaya. Hindi naman ako tulad ng mga lalaking kinekwento niya tulad ng tatay niyang supot daw ayon sakanya. Nakatitig parin siya, wala nang ngit sa labi, "Hindi pa ko—"
"Klarise nagtanong ako", sinabi ko. Desidido akong malaman. Ang tigas rin ng mukha at loob ko ano. "Isang beses nung bata ako nagpatuloy si papa ng kaibigan niya dahil parehas silang lasing. Pinatulog niya sa bahay. Nagising ako dahil may humahawak sa katawan ko. Ayoko sa lasing" Huh? Hindi yun ang sagot na gusto ko. At anong koneksyon nun? "Tangina mo JC"
"Yung tanong ko pa", ngumiti nalang siya at tumingin sa alapaap, "Dahil mas madaling umalis"

Limang taong paghahanap ko sa isang karayom na nagngangalang Klarise sa malawak na bukod ng Maynila, ay ni minsan hindi ako nagtagumpay makahanap ng katiting na impormasyon man lang kung asan na siya. Isang beses nga ay tumawag ako sa bahay nila kung napauwi ba siya ng Cabanatuan. Hindi na ko nag tanong pagkatapos. Kasing dami na nang alaala naming masasaya at ang mga pag-asa sa pagbabakasakaling mahal parin niya ako at babalik rin siya ang disappoinments ko. Si Klai ay disappointment na tinubuan ng tao. At kasalanan ko kung bat ako umaasa sa katiting na attensyon niya ng nagpapa dismaya sa akin. 

"Hello? Nang, si JC po 'to."
"O hijo napatawag ka"
"Si Klarise po ba napauwi ho ba?"
"Hindi pa napapauwi ang batang iyon dine eh. Bakit?"
"May itatanong ho sana ako"
"Bakit may nawawala ka bang gamit na hiniram nya?", 'opo yung virginity ko' naisip ko.
"Ah eh wala po nangamusta lang ho. Sige po. Salamat."

Hindi naman si Klai ang tanging nawawala na hinahanap ko dito sa Maynila eh. Hinaharap ko rin ang hikaw ng kanang tenga ko at ang wallet ko na hula ko'y nadukot sa akin sa may Quiapo. Ang nawawala ko? Ako. Ang dating ako. 

Walang kami.
Hindi kami.
Hindi naging kami.
Walang naging kami.
Pero meron paring 'Ako'
at sapat na iyon.



 

About

Yugto in Filipino means (transition to a new) chapter.

Featured